Sa tinaguriang “Seafood Capital” ng bansa, isang simpleng babae ang patuloy na lumalaban sa araw-araw na hanapbuhay ng pagbebenta ng lamang-dagat. Siya si Regina Alisas mula sa Barangay Libas, Roxas City, Capiz.
Halos 38 taon na si Regina nasa seafood trading. Bago pa man siya nagkaroon ng kasalukuyang negosyo sa Roxas City, sinubukan na rin niya ang pagbebenta ng buhay na sugpo at hipon sa Maynila.
Sa likod ng tagumpay ay marami siyang kinaharap na pagsubok. Noong 2014, nagkasakit ang kanyang asawa ng chronic kidney disease, kaya kinailangan nilang ibenta ang kanilang mga bangkang pangisda na naging malaking tulong sa negosyo. Hindi nagtagal ay pumanaw rin ang kanyang asawa, na nag-iwan ng matinding lungkot at hamon sa pamilya.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy ni Regina ang buhay. Ngunit muling dumating ang pagsubok nang tumama ang COVID-19 pandemic.
Bagong simula at muling pagbangon
Noong 2021, nagpasya si Regina na muling magsimula. Sa tulong ng kaniyang anak na nagbigay ng panimulang kapital, muli nilang binuhay ang seafood trading business.
Kasabay nito, naging kliyente rin si Regina ng CARD Inc. (A Microfinance NGO) at nakakuha ng unang loan na PHP 3,000 na ginamit nilang pandagdag puhunan.
Mula rito, unti-unti nilang pinalawak ang negosyo. Bukod sa hipon at sugpo, nagdagdag sila ng iba’t ibang seafood tulad ng pusit, alimango, lobster, shellfish, scallops, boneless bangus, at lapu-lapu. May frozen at buhay na produkto rin sila, kung saan ang frozen ay galing Masbate at ang live seafood ay binibili sa Capiz.
Mula sa kanilang bahay, nagsusuplay na si Regina sa mga restaurant at stall owners sa Iloilo at Boracay.
Hindi man nawawala ang hamon, tulad ng pagkaantala sa pagbabayad ng ilang customers, nananatiling matatag si Regina. Para sa kaniya, mas madali na ito kumpara sa panahong halos wala silang benta noong pandemya. Kaya ang paghihintay at pakikipag-ugnayan sa customers ay bahagi na lamang ng kanilang negosyo.
Pamilya, negosyo, at panibagong kinabukasan
Sa pag-unlad ng negosyo, nakapag-invest na rin sila sa sariling sasakyan tulad ng utility vehicle at pickup truck na ginagamit sa pagdadala ng seafood products. Ang negosyo nilang ito ay naging isang family enterprise na pinatatakbo ni Regina kasama ang kaniyang anak at manugang.
Para kay Regina, ang tagumpay ay hindi nakukuha sa madaliang paraan kundi sa tiyaga. “Sipag lang,” ang payak niyang payo sa mga gustong magsimula pa lamang.
Sa kabila ng mahigit tatlong dekada sa seafood trading, nananatiling kliyente ng CARD, Inc. si Regina na patuloy na sumusuporta sa paglago ng kanilang negosyo.
Ang kaniyang kuwento ay patunay na sa kabila ng matitinding pagsubok, laging may pagkakataon na muling magsimula at bumangon sa buhay. (Jireh Pearl Casionan)






