Kung hindi ka pa galit, bakit?

By Gabriel Bernales 

Sa bawat paggising natin, tila may bagong sugat na binubuksan ang balita. Habang tayo ay pilit na bumabangon sa gitna ng tumitinding hirap, ang tanging sagot na ibinibigay sa atin ay ang gasgas nang konsepto ng resilience.

Pagod na akong marinig ang salitang iyan. Dahil sa bansang ito, ang pagiging matatag ay hindi na isang birtud; ito ay naging isang mekanismo na lamang para mabuhay sa ilalim ng gobyernong tila manhid sa daing ng sikmura.

Hinihimok tayo sa espiritu ng Bayanihan. Pinapasan natin ang isa’t isa dahil walang balikat ang estado na handang sumalo sa atin. Ngunit hanggang kailan tayo magbubuhat ng sarili nating krus habang ang mga nasa itaas ay komportableng nakaupo sa kanilang mga silya, malayo sa alikabok ng kalsada at sa amoy ng kumakalam na bituka?

Ang mga nasa laylayan ay hindi na lang basta naghihirap; sila ay unti-unting kinakain ng sistema. Kaliwa’t kanan ang balita ng demolisyon, ng kawalan ng hustisya, at ng mga magsasakang walang sariling lupa. Ang mahirap ay wala nang matitirang barya, hindi dahil sila ay tamad, kundi dahil ang bawat sentimo ay ninanakaw ng implasyon at ng kapabayaang nakadamit-barong.

Paano tayo mananatiling kalmado kung ang karapatan ay nagiging prehibilehiyo na lamang ng iilan? Kung ang katarungan ay nabibili, at ang boses ng maralita ay itinuturing na ingay lamang sa pandinig ng mga makapangyarihan?

Hindi kasalanan ang magalit. Ang galit ay hindi lamang emosyon; ito ay patunay na may natitira pa tayong dignidad. Ito ay hudyat na hindi pa tayo tuluyang namamanhid sa mga fault lines ng ating lipunan, sa mga bitak na pilit nating tinatawid araw-araw kahit ang pundasyon ng ating pag-asa ay tila umuuga na.

Ngunit sa gitna ng nagbabagang poot na ito, doon sumisibol ang tunay na pag-asa. Dahil ang galit na nagmumula sa pagmamahal sa kapwa ay hindi nananatiling galit lamang. Ito ay nagiging pwersa. Ang ating kolektibong pagngangalit ang siyang magsisilbing apoy na tutupok sa bulok na sistema at magbibigay-liwanag sa bagong umaga.

Yakapin mo ang iyong poot; huwag itong ituring na lason, kundi bilang ang huling piraso ng iyong dangal na tumatangging mamatay. Gamitin mo ang init nito hindi para manunog, kundi para maging mitsa ng paniningil at lakas sa pagtindig. 

Sapagkat sa dulo ng mahabang gabing ito, ang tunay at pinakamalayang anyo ng Bayanihan ay hindi na ang pagpasan sa dampa ng ating kahirapan, ito ay ang sabay-sabay nating pagbuwag sa mga pader na nagkakait sa atin ng liwanag.

Mapanganib ang maging mabuti sa gitna ng mga ganid. Ang ating likas na pagiging matatag, maunawain, at mapagpatawad, ang mga katangiang akala natin ay ating kalakasan ay siya na palang unti-unting humuhukay sa sarili nating libingan. 

Ginawa nating baluti ang pagtitiis, habang ang mga nasa kapangyarihan ay ginawa itong lisensya para tayo ay yurakan.

Sapat na ang pagiging resilient sa gitna ng sistemang sadyang binuo para tayo ay malugmok. Huwag nating hayaang ang ating pasensya ay maging pataba sa lupang kinatatamnan ng kanilang mga dinastiya, o ang kaban ng bayan ay maging personal savings ng mga kamay na may bahid ng dugo.

Hayaan mong ang bawat pait na iyong nilunok ay maging apoy sa iyong lalamunan. Sapagkat ang tunay na paglaya ay hindi nagmumula sa pagyuko at paghihintay ng awa, kundi sa pag-amin na ikaw ay galit, at ang galit na iyon ang huling kuta ng iyong dangal.

Darating ang sandaling ang bawat hikbi ng maralita ay magiging isang nagngangalit na daluyong na titibag sa kanilang mga moog. Dahil sa dulo ng lahat, ang bansang natutong gamitin ang sarili nitong poot bilang sandata ay isang bansang hindi na muling, kailanman, paluluhod sa harap ng kahit sinong hari.