
Testimonya ni: James Anthony Janeo Lanoba, Local Government Unit – Link
MAMBUSAO, Capiz – Minimithing pagbabago sa hinaharap at kinabukasan ng mga benepisyaryo ng 4Ps ay siyang pangarap ni James Anthony Janeo Lanoba, 23-anyos na taga-Sitio Bitayan, Barangay Caidquid ng bayan na ito.
Siya ay kasalukuyang Local Government Unit Link sa Mambusao Operations Office, at bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD.
Si James ay nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration, Major in Financial Management noong 2024 mula sa St. Vincent College of Business and Accountancy sa Leganes, Iloilo. Lumaki siya sa isang payak ngunit masayang tahanan kasama ang kanyang mga magulang na sina Evelyn at Rodel. Ang ina ay isang guro sa elementarya, habang ang ama ay isang magsasaka at konsehal sa kanilang barangay. May isa siyang kapatid, si Jan Rove na nagtapos naman ng kursong Information Technology sa Western Institute of Technology, Iloilo.
Bata pa lamang si James ay pinuno na ng mga pangarap at inaasahan. Sa elementarya hanggang high school, siya ay tumanggap ng iba’t ibang parangal. Sa Senior High School, kinuha niya ang STEM strand at nagtapos na may karangalan. Sa panahong ito, lumahok din siya sa mga patimpalak sa pagkanta, pagsulat ng tula, editorial writing, at pati sa mga mathematics contests, isang patunay ng kanyang pagiging masigasig at maraming talento.
Ngunit pagpasok niya sa kolehiyo, maraming nagbago. Naranasan niya ang tunay na hamon ng buhay. Naging scholar siya ng kanilang paaralan at ng CHED-UniFAST mula first year hanggang sa pagtatapos. Sa kabila ng kanyang mga gawaing akademik, siya rin ay naging Presidente ng kanilang batch, miyembro sa oarBd of Trustees, at isang student leader. Mahirap ang balansehin ang lahat, ang pag-aaral, internship, at mga tungkulin sa paaralan pero pinili niyang tumindig at lumaban para sa kanyang pangarap.
Naranasan din ni James ang emosyonal na pagsubok sa pamilya, kabilang na ang hindi pagkakaunawaan at paminsang panghuhusga ng mga malalapit sa kanya. Ngunit ito ang naging inspirasyon niya para magpursigi, tumindig sa sariling paa, at maging matatag sa kanyang moral at mga desisyon.
Noong Hulyo 17, 2024, natupad ang matagal niyang pinaghirapang pangarap, ang makapagtapos ng kolehiyo. Ayon sa kanya, ang lahat ng pagod, sakripisyo, at paghihirap ay napalitan ng tuwa at galak noong araw ng kanyang pagtatapos. Hindi man naging madali ang lahat, tiniyak niyang magpakatatag at magtiwala sa sarili.
Matapos ang graduation, naghanap siya agad ng trabaho. Sa tulong ng isang kakilala sa munisipyo, nabigyan siya ng pagkakataong mag-apply sa isang bakanteng posisyon. Sa kabutihang-palad, natanggap siya bilang LGU Link sa ilalim ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at in-assign sa programang 4Ps ng DSWD.
Sa una, inobserbahan niya ang mga gawain, pinag-aralan ang mga tuntunin at tungkulin ng programa, at sa kalaunan ay matagumpay na niyang natutunan at naisagawa ang bawat responsibilidad. Mahigit isang taon na siyang nagsisilbi sa publiko at sa mga benepisyaryo ng programa. Nakilala at na-interview niya ang maraming miyembro ng 4Ps, at nakita niya kung paano nakatulong ang programa sa pagpapagaan ng buhay ng mga nangangailangan.
“Malaki ang naitulong ng 4Ps sa mga benepisyaryo. Nais kong maging bahagi ng positibong pagbabagong ito. Gusto kong maglingkod ng tapat, lalo na para sa mga mahihirap at nangangailangan,” ani ni James.
Para sa kanya, hindi lang ito trabaho. Isa itong misyon. Kaya ang kanyang hangarin ay magtagal sa serbisyo at, kung papalarin, ay maging regular na bahagi ng DSWD sa hinaharap.
“Ako ay anak ng isang guro at magsasaka. Lumaki ako na masunurin, masipag at may pangarap. Ngunit hindi naging madali ang landas ko. Pinili kong tumayo sa sarili kong paa, harapin ang buhay, at patuloy na lumaban. Sa ngayon, masaya ako na nagsisilbi ako sa programa na tunay na may malasakit sa tao,” dagdag niya.
Ang kanyang kuwento ay paalala sa atin na ang tagumpay ay hindi nakukuha sa madaliang paraan. Kailangan itong paghirapan, pagdaanan, at pagtibayin ng loob. Tulad ng Ferris wheel ng buhay – minsan nasa taas, minsan nasa ibaba – ang mahalaga ay hindi tayo sumusuko, at patuloy tayong bumabangon. (Ipinasa ng Mambusao MOO, Capiz POO/revised and edited by and by: Paul Andrie A. Farrol, WVSU Intern