Ako Bilang Guro sa Panahon ng Pandemya

Nakakalungkot isipin na matagal na din ang panahon na hindi ko na nakakaharap ang aking mga estudyante mula pa ng Marso taong 2020. Kahit sa kasalukuyan ay hirap pa rin kaming mga guro sa pagtutok sa aming mga estudyante dahil sa nakaambang na pinsala na kayang idulot ng CoViD-19. Bagamat naka ukit sa puso ko na isa ako bilang tagapag bigay gabay sa mga kabataan pero sa panahong ito, wala akong magawa kundi ang sundin na lang ang distance learning at ang minimum health standard protocol.

Kondisyon sa trabaho ng isang guro: Tulad ng dati, kaming mga guro ay kailangan bumangon ng maaga upang ihanda ang aming mga sarili at ang mga kagamitan sa pagtuturo ng mga leksiyon. Araw-araw pa din ang punta ko sa paaralan. Para sa mga guro na walang sariling sasakyan na tulad ko, kinakailangan kong sumakay ng pampasaherong van o dyip para makarating sa aking destinasyon. May pag iingat man pero di naaalis sa isipin ko na baka sa byahe ako mahawa ng kinatatakutan na CoViD-19. Nakakatakot man isipin pero kailangang gawin.

Para sa pag iingat sa aming mga estudyante, masinsin kong inihahanda ang mga learning modules ng aking mag aaral. Sinisiguro ko na kumpleto ang modules ng bawat isa. Kadalasan nga na naiaambag ko pa ang aking kaunting ipon para sa pagpapakopya ng mga ito (Mabuti na lang at pansamantalang isinara ang mga sinehan). Ang karaniwang kumukuha ng mga learning modules ay ang mga magulang kung saan sa mga eksenang ito, nakakaramdam ako ng saya sa saloobin. Ang mga sitwasyon na ito ay nagbibigay sa akin nang mas malalim na kahulugan. Kahulugan na tulad ko, ang mga magulang din ay ang unang mga guro sa loob ng kani-kanilang tahanan. At kami namang mga guro ang pangalawang mga magulang sa paaralan.

Sanhi: Nang sumiklab ang Corona Virus Disease sa Wuhan, Hubei Province, China noong Disyembre taong 2019, mabilis itong kumalat sa sanlibutan. Bagay na nag udyok sa World Health Organization (WHO) na ideklara ang pandemya noong Marso 11, 2020. Dahil dito, ipinagbawal ang lahat ng anumang uri ng pagtitipon at pagsasama sama ng madla. Ipinasara ang mga paaralan, simbahan, sinehan at lahat ng pampublikong lugar para maiwasan ang pagkaka hawa-hawa.

Kahihinatnan: Ilan sa mga alalahaning idinudulot ng pandemya sa buhay ng bawat Pilipino ay ang kalusugan ng isipan ng ating mag aaral. Nariyan din ang alalahanin sa kalidad ng edukasyon. Panawagan ko sa mga magulang sa bagong normal na ipagpatuloy ang pagtutok sa inyong mga anak at patuloy na gabayan sila sa pag aaral at pagsasaliksik ng mga kagandahang asal. Kayo po ang pangunahing mga guro ng ating mga mag aaral. Makaka asa po kayo na ako bilang guro sa panahon ng pandemya ay patuloy na tatayo bilang pangalawang magulang ng inyong mga anak sa paaralan.