Habang May Buhay, May Pag-asa

Nakapanlulumong isipin ang mga nangyayari sa atin ngayong pandemya.

Maraming tao ang lubhang naapektuhan na ng Corona Virus Disease-19 (Covid-19) pandemic na ito.

Libo-libo ang nawalan ng kabuhayan. Marami na rin ang mga naghihirap dahil nawalan sila ng hanapbuhay at pagkakakitaan. Patuloy na lumolobo ang mga presyo ng mga bilihin.

Walang humpay din ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin—at mga isda at gulay. Araw-araw, pataas na lang nang pataas ang halaga ng mga basic needs natin.

Maraming mga mag-aaral din ang natigil sa kanilang pag-aaral at ngayo’y napilitang maghanapbuhay na para sa kanilang mga pamilya.

Hindi magkamayaw ang bilang ng mga mamamayang nagkukumahig sa kahirapan na lalong pinalala pa ng Covid-19 pandemic.

Pero sa kabila ng kaliwa’t-kanang hamon sa kanilang pamumuhay, minabuti pa rin ng mga Pilipinong tustusan ang kanilang sarili—kahit na rin andaming isyu sa pamahalaan. Hindi sila nagpapagapi sa mga kontrobersya at anomalya—at ano pa mang baho na galing sa gobyerno.

Bilib din naman ako sa mga Pilipino. Nakukuha pa rin nilang tumawa sa social media sa kabila ng samu’t saring pagsubok sa buhay nila.

Tuloy pa rin ang buhay para sa mga nakararami. Kayod-kalabaw ang mga driver sa lansangan at mga tindera’t negosyante sa palengke. Kayod nang kayod pa rin ang mga trabahante sa pabrika at opisina.

Kailangan lang nilang sundin ang mga patakaran ng pamahalaan—o ang mga health protocol—para matulungan nilang hindi maipakalat ang virus na ito. Nagsusuot sila ng facemask at face shield. Sinusunod din nila ang patakarang social distancing. Naghuhugas din sila ng mga kamay palagi at pinananatiling malinis ang kanilang mga kapaligiran.

Sa ganitong mga paraan, hinding-hindi mapipigilan ng sakit na ito ang kanilang adhikang maitaguyod ang kani-kanilang mga pamilya sa araw-araw.

Hindi naman kasi talagang titigil na lang ang buhay dahil sa banta ng sakit na ito. Kailangan talagang lumaban para manatiling buhay.

Tama—nakapanghihina ang mga trahedyang dulot ng Covid—pero mas nakagagalak ng ating mga puso ang makita nating lumalaban sa hamon ng buhay ang mga Pilipino. Patuloy nilang itinataguyod ang buhay para sa pamilya’t mga anak. Sige lang nang sige sa kanilang hanapbuhay.

Ginagawan nila ng paraang hindi matigil ang kanilang mga trabaho—para tuloy-tuloy nilang maabot ang kanilang mga pangarap.

Hindi nila hahayaang mabinbin o maunsyami ang kanilang mga ambisyon para sa mabuting kinabukasan.

Tama nga ang kasabihan ng mga matatanda—habang may buhay, may pag-asa.